Vo Nguyen Giap, “Ang Digma ng Pagpapalaya 1945-1954”
Ang Sining Militar ng Digmang Bayan: Piling mga Akda ni Heneral Vo Nguyen Giap (2012)
Ang digma ng pagpapalaya ng mamamayang Byetnames ay isang makatarungang digma, naglalayon na mabawi ang kasarinlan at pagkakaisa ng bayan, mabigyan ng lupa ang ating mga magsasaka at garantiyahan sa kanila ang karapatan dito, at ipagtanggol ang mga tagumpay ng rebolusyong Agosto. Iyon ang dahilan kung bakit una sa lahat ito ay isang digmang bayan. Ang turuan, pakilusin, organisahin, at armasan ang buong sambayanan para makibahagi sila sa pagtatanggol ay isang napakahalagang usapin.
Ang kaaway ng bansang Byetnames ay ang agresibong imperyalismo na kailangang pabagsakin. Pero dahil sa matagal nang nakipagkaisa ang kaaway sa pyudal na mga panginoong maylupa, tiyak na hindi maihihiwalay ang pakikibakang anti-imperyalista mula sa antipyudal na pagkilos. Sa kabilang banda, sa isang atrasadong bayang kolonyal tulad ng sa atin kung saan ang mga magsasaka ang bumubuo sa mayorya ng populasyon, ang isang digmang bayan sa esensya, ay isang digmang magsasaka sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa. Dahil sa katotohanang ito, ang isang pangkalahatang mobilisasyon ng buong mamamayan ay ang mismong mobilisasyon ng masa sa kanayunan. Ang suliranin sa lupa ay may mapagpasyang kahalagahan. Sa isang malalim na pagsusuri, ang digma ng pagpapalaya ng mamamayang Byetnames sa esensya, ay isang pambansa-demokratikong rebolusyong bayan na isinagawa sa ilalim ng sandatahang pwersa at mayroong dalawang pundamental na tungkulin: ang pagpapabagsak sa imperyalismo at ang paggapi sa pyudal na uring panginoong maylupa, kung saan ang anti-imperyalistang pakikibaka ang pangunahing tungkulin.
Isang atrasadong bayang kolonyal na kababangon pa lamang para iproklama ang kanyang kasarinlan at itatag ang kapangyarihang bayan, kamakailan lamang nagkaroon ang Byetnam ng isang sandatahang lakas; armado ang mga pwersang ito ng mahihinang armas at walang karanasan sa labanan. Ang kanyang kaaway, sa kabilang banda, ay isang imperyalistang kapangyarihan na nakapagpanatili ng may isang kalakihang potensyal sa ekonomya at sa militar kahit na sinakop kamakailan ng mga German at nakinabang, higit pa, sa aktibong suporta ng United States. Kitang-kita sa balanse ng pwersa ang ating mga kahinaan laban sa kapangyarihan ng kaaway. Kung gayon, ang digma ng pagpapalaya ng mamamayang Byetnames ay kinakailangang maging isang mahirap at matagalang digma upang matagumpay na malikha ang mga kalagayan para magwagi. Lahat ng kaisipang bunga ng pagkainip at paghahangad ng madaliang tagumpay ay malalaking kamalian lamang. Kailangang mahigpit na maunawaan ang estratehiya ng matagalang pagtatanggol, at pataasin ang kapasyahang umasa sa sarili upang mapanatili at unti-unting madagdagan ang ating mga pwersa habang inuuk-ok at papasulong na dinudurog iyong sa kaaway; kailangang magtipon ng libu-libong maliliit na tagumpay para maibaling ang mga ito sa isang malaking tagumpay, sa gayon unti-unting binabago ang balanse ng pwersa, itinatransporma ang ating mga kahinaan tungo sa kalakasan at tinatamo ang ultimong tagumpay.
Sa maaga pang yugto, naunawaan ng Partido ang mga kalikasan ng digmang ito: isang digmang bayan at isang matagalang digma, at sa pamamagitan ng pagsisimula sa mga batayang ito kaya nalutas ng Partido, sa buong panahon ng mga labanan at sa partikular na mahihirap na kalagayan, ang lahat ng usapin sa pagtatanggol. Ang matalinong pamumunong ito ng Partido ang naghatid sa atin sa tagumpay.
Ang ating estratehiya, katulad ng naidiin na, ay ang maglunsad ng matagalang pakikipaglaban. Kailangan sa isang digma na may ganitong pangkalahatang kalikasan ang ilang yugto; sa prinsipyo, nagsisimula sa isang yugto ng tunggalian, tumutungo ito sa isang panahon ng pagkakapatas bago umabot sa isang pangkalahatang kontra-opensiba. Sa totoo, ang pamamaraan kung paano ito isinasagawa ay maaaring maging higit na mapanlikha at higit na kumplikado, ayon sa partikular na mga kalagayang kinapapalooban ng magkabilang panig sa daloy ng mga operasyon. Tanging isang matagalang digma ang magpapahintulot sa atin na gamitin nang lubos ang ating mahahalagang bentaheng pampulitika, pangibabawan ang ating kakulangan sa materyal, at itransporma ang ating kahinaan tungo sa kalakasan. Ang mapanatili at mapalaki ang ating mga pwersa ay ang prinsipyong pinanghawakan natin, sapat na sa atin ang umatake kapag tiyak ang tagumpay, tumangging lumaban kapag malamang na magtamo ng mga pinsala o sumabak sa mga marisgong aksyon. Inilapat natin ang islogang: buuin ang ating lakas sa aktwal na daloy ng pakikipaglaban.
Kailangang ganap na iangkop ang mga anyo ng labanan, ibig sabihin, ang itaas nang lubos ang diwang palaban at sumalig sa kabayanihan ng ating mga tropa para mapangibabawan ang materyal na superyoridad ng kaaway. Sa pangunahin, laluna sa umpisa ng digmaan, kinailangang gamitin natin ang pakikidigmang gerilya. Sa teatro ng operasyong Byetnames, nagdulot ang pamamaraang ito ng malalaking tagumpay: maaaring gamitin ito sa mga kabundukan, gayundin sa wawa, maaaring ilunsad ito nang may mahusay o mahihinang kagamitan at kahit na walang armas, at sa huli ay nagawa nitong armasan ang ating sarili sa kapinsalaan ng kaaway. Saanman dumating ang Pwersa ng Ekspedisyon, lumalahok ang buong populasyon sa pakikipaglaban; ang bawat komuna ay may sariling kutang baryo, ang bawat distrito ay may kanya-kanyang tropang teritoryal na nakikipaglaban sa ilalim ng kumand ng mga sangay ng Partido sa lokalidad at ng gubyerno ng mamamayan, kakawing ng mga pwersang regular para pahinain at lipulin ang mga pwersa ng kaaway.
Buhat noon, sa pag-unlad ng ating mga pwersa, nagbago ang pakikidigmang gerilya tungo sa isang pakikidigmang makilos – isang anyo ng pakikidigmang makilos na matingkad na kinatatangian pa rin ng pakikidigmang gerilya – na pagkatapos ay magiging esensyal na anyo ng mga operasyon sa pangunahing larangan, ang hilagang larangan. Sa prosesong ito ng pag-unlad ng pakikidigmang gerilya at ng pagbibigay-diin sa pakikidigmang makilos, tuluy-tuloy na lumaki ang ating hukbong bayan at nilampasan ang yugto ng mga labanang kinapapalooban ng isang seksyon o kumpanya, tungo sa may kalakihang saklaw na mga kampanyang nilalahukan ng ilang dibisyon. Unti-unting umunlad ang mga kagamitan nito, pangunahin sa pamamagitan ng pag-agaw ng armas mula sa kaaway – ang kagamitang-militar ng mga imperyalistang French at Amerikano.
Mula sa punto de bistang militar, pinatunayan ng digma ng pagpapalaya ng mamamayang Byetnames na maaaring pagsanibin ng isang hukbong bayan na di sapat ang mga kagamitan, pero isang hukbo na nakikipaglaban para sa isang makatarungang adhikain, sa angkop na estratehiya at mga taktika, ang mga kalagayang kinakailangan para lupigin ang isang modernong hukbo ng agresibong imperyalismo.
Kaugnay ng pangangasiwa ng isang ekonomyang pandigma sa loob ng balangkas ng isang atrasadong bayang agrikultural na nagsusulong ng isang matagalang pagtatanggol tulad ng Byetnam, lumitaw ang usapin ng mga likurang linya sa anyo ng pagtatayo ng mga base ng pagtatanggol sa kanayunan. Ang pagtataas at pagtatanggol ng produksyon, at ang pagpapaunlad ng agrikultura ay mga usaping may malaking kahalagahan para tustusan ang larangan at para rin tuluy-tuloy na mapahusay ang kalagayan sa pamumuhay ng mamamayan. Hindi maisasantabi ang usapin ng pagmamanupaktura ng mga armas.
Sa pagtatayo ng mga base sa kanayunan at sa pagpapalakas ng mga likurang linya para bigyang-tulak ang pagtatanggol, gumampan ng isang mapagpasyang papel ang patakarang agraryo ng Partido. Dito nakasalalay ang antipyudal na tungkulin ng rebolusyon. Sa isang kolonya kung saan isang pambansang usapin ang mismong usaping magsasaka, mangyayari lamang ang konsolidasyon ng mga pwersa ng pagtatanggol sa pamamagitan ng paglutas sa suliraning agraryo.
Ibinagsak ng rebolusyong Agosto ang pyudal na estado. Ang pagpapababa ng upa sa lupa at tantos ng usura na isinabatas ng kapangyarihang bayan ay nagbigay sa mga magsasaka ng kanilang unang materyal na mga pakinabang. Kinumpiska at ipinamahagi ang mga lupang monopolyado ng mga imperyalista at taksil. Mas pantay-pantay na ipinamahagi ang mga lupang komunal at palayan. Mula 1953, dahil itinuturing na kailangang itaguyod ang pagpapatupad ng mga tungkuling antipyudal, pinagpasyahan ng Partido na kamtin ang repormang agraryo kahit na sa daloy ng digma ng pagtatanggol. Sa kabila ng mga pagkakamali na dumungis sa pagpapatupad nito, wastong linya ito na ginantimpalaan ng tagumpay; nagbunga ito ng tunay na materyal na mga pakinabang para sa mga magsasaka at nagbigay sa hukbo at sa mamamayan ng isang bagong simoy ng kasiglahan sa digma ng pagtatanggol.
Salamat sa makatarungang patakarang agraryong ito, umunlad sa pangkalahatan ang pamumuhay ng sambayanan, sa pinakamahihirap na kalagayan ng digma ng pagtatanggol, hindi lamang sa napakalawak na mga pinalayang purok ng Hilaga, kundi maging sa mga baseng gerilya sa Timog Byetnam.
Ang digma para sa pagpapalaya ng mamamayang Byetnames ay nagluwal sa kahalagahan ng pagtatayo ng mga base ng pagtatanggol sa kanayunan at ng mahigpit at di masisirang relasyon sa pagitan ng rebolusyong anti-imperyalista at ng rebolusyong antipyudal.
Mula sa punto de bistang pampulitika, ang usapin ng pagkakaisa sa hanay ng mamamayan at ang mobilisasyon ng lahat ng lakas sa digma ng pagtatanggol ay may pinakamalaking kahalagahan. Kaalinsabay, isang usapin din ito ng Pambansang Nagkakaisang Prente laban sa mga imperyalista at kanilang mga alipures, ang mga traydor na Byetnames.
Sa Byetnam, nakamit ng ating Partido ang isang malaking tagumpay sa patakaran nito ng pagtatatag ng isang Prente. Kasing-aga noong mahihirap na araw ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binuo nito ang Liga para sa Kasarinlan ng Byetnam. Noon at sa unang mga taon ng digma ng pagtatanggol, ipinagpaliban nito ang paglalapat ng mga islogan nito hinggil sa rebolusyong agraryo, nilimitahan ang programa nito sa pagpapababa ng upa sa lupa at tantos ng interes na nagpahintulot sa atin na nyutralisahin ang bahagi ng uring panginoong maylupa at kabigin sa ating panig ang pinakamakabayan sa kanila.
Mula sa unang mga araw ng rebolusyong Agosto, nanyutralisa ng patakaran ng malapad na prente na pinagtibay ng Partido ang mabubuway na elemento sa hanay ng uring panginoong maylupa at nalimitahan ang mapanabotaheng mga pagkilos ng mga kapanalig ng Vietnam Quoc Dan Dang.
Pagkatapos noon, sa daloy ng pag-unlad ng digma ng pagtatanggol, nang naging isang kagyat na pangangailangan ang repormang agraryo, ibinuhos ng Partido ang sarili sa paggawa ng pagkakaiba sa loob mismo ng uring panginoong maylupa sa pamamagitan ng pagtatakda sa linyang pampulitika nito ng iba’t ibang pakikitungo sa bawat tipo ng panginoong maylupa ayon sa pampulitikang paninindigan nila hinggil sa prinsipyo ng pagbuwag sa sistema ng pyudal na pangangamkam ng lupa.
Ang patakaran ng pagkakaisa sa hanay ng mga nasyunalidad na pinagtibay ng Pambansang Nagkakaisang Prente ay nagkamit din ng malalaking tagumpay, at nagtamo ng magagandang resulta ang programa ng pagkakaisa sa iba’t ibang sirkulong pangrelihiyon.
Ang Pambansang Nagkakaisang Prente ay magiging isang napakalawak na asembleya ng lahat ng pwersang may kakayahang magkaisa, magnunyutralisa sa lahat ng maaaring manyutralisa, manghahati sa lahat ng maaaring hatiin upang maituon ang dulo ng sibat sa pangunahing kaaway ng rebolusyon, ang mananalakay na imperyalismo. Itatatag ito sa batayan ng isang alyansa sa pagitan ng manggagawa’t magsasaka at ipaiilalim sa pamumuno ng uring manggagawa. Sa Byetnam, ang usapin ng isang alyansa sa pagitan ng manggagawa’t magsasaka ay pinatibay ng isang maningning na kasaysayan at matatatag na tradisyon, tanging ang partido ng uring manggagawa ang pampulitikang partido na puspusang lumaban sa lahat ng kalagayan, para sa pambansang kasarinlan, at ang naunang nagsulong ng islogang “lupa para sa mga nagbubungkal” at matatag na nakibaka para sa katuparan nito. Gayunman, sa unang mga taon ng pagtatanggol, ilang pagmamaliit sa kahalagahan ng usaping magsasaka ang humadlang sa pagbibigay natin ng lahat ng pansing kinakailangan sa alyansang manggagawa’t magsasaka. Iwinasto na kalaunan ang kamaliang ito, laluna mula sa sandaling nagpasya ang Partido, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng repormang agraryo, na gawing tunay na mga panginoon ng kanayunan ang mga magsasaka. Sa kasalukuyan, matapos ang tagumpay ng pagtatanggol at ng repormang agraryo, nang naibalik na ng Partido ang kasarinlan sa kalahati ng bayan at namahagi na ng lupa sa mga magsasaka, ang mga batayan ng alyansa ng manggagawa’t magsasaka ay patuloy na lalakas sa araw-araw.
Pinatutunayan ng digma ng pagpapalaya ng mamamayan ng Byetnam na sa harap ng isang makapangyarihan at malupit na kaaway, makakamit lamang ang tagumpay sa pamamagitan ng pagkakaisa ng buong sambayanan sa kandungan ng isang matatag at malapad na pambansang nagkakaisang prente na nakabatay sa alyansang manggagawa’t magsasaka.
Filed under: Escritura, Historia, Política, Theoria Tagged: Giap., People's Army, People's War, Protracted People's War, Strategy, Vo Nguyen Giap
