Nagpapaabot ang Anakbayan ng taos pusong pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasama ni Wendell Mollenido Gumban na nagbuwis ng buhay sa isang engkwentro sa mga element ng 66th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Andap, New Bataan, Compostela Valley noong Hulyo 23, 2016.
Nagdadalamhati ang mga manggagawa, magsasaka, lumad at lahat ng masang anakpawis na kanyang pinaglingkuran sa kanyang maagang pagpanaw sa murang edad ng 30. Marapat na bigyan ng pinakamataas na parangal at pagbubunyi ang kanyang makabuluhan na buhay bilang iskolar ng bayan, propagandista, at pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Dating News Editor ng Philippine Collegian si Ka Wendell, na kilala bilang “Wanda” sa mga kaibigan at kasamang aktibista. Bukod sa pagiging aktibo sa opisyal na pahayagan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman mula 2003 hanggang 2007, naging kasapi rin si Ka Wendell ng Anakbayan at ng League of Filipino Students (LFS) sa kampus. Kumilos din siya ng buong-panahon sa hanay ng mga militanteng manggagawa bilang kawani sa gawaing propaganda ng Kilusang Mayo Uno (KMU) mula 2008 hanggang 2010.
Taong 2011 nang pumili si Ka Wendell na magsampa sa BHB sa Mindanao. Kilala doon bilang “Ka Waquin” ng mga kasama at masang magsasaka at lumad, naging tanyag siya sa pagiging masayahin sa harap ng masigasig at walang pagod na pagkilos bilang pulang mandirigma at kadre ng Partido Komunista Pilipinas (PKP) sa larangan ng digma.
Kailanman ay hindi mamamatay ang ganitong pamana ni Wendell sa ating ala-ala, loob, at diwa. Ang kanyang pagtalikod sa isang masaganang buhay ng petiburges upang paglingkuran ang mga pinaka-inaaping uri ng lipunan ay tunay na inspirasyon at huwaran. Dapat tularan ng kabataan ng kasalukuyang henerasyon ang kanyang walang pag-iimbot na pag-alay ng kanyang lakas at talino upang isulong ang mithiin ng sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan.
Filed under: Historia Tagged: Anakbayan, Parangal, Wendell Gumban
