Quantcast
Channel: Historia – Bombard the Headquarters!
Viewing all articles
Browse latest Browse all 38

Ang kabuluhan ng First Quarter Storm (FQS)

$
0
0

fqsI wrote this for the Philippine Online Chronicles.

Malalaking kilos-protesta at demonstrasyon sa pangunguna ng Kabataang Makabayan (KM) at ibang mga pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataan at estudyante ang sumalubong sa unang tatlong buwan ng taong 1970. Umalingawngaw ang mga sigaw ng “Makibaka, Huwag Matakot” at “Marcos Hitler Diktador Tuta.” Napuno ang mga lansangan ng mga istrimer at plakard ng “Imperyalismo, Pyudalismo, Burukata Kapitalismo Ibagsak!” Linggo-linggo, mahigit 50,000 hanggang 100,000 ang pumuno sa mga plaza ng kamaynilaan at nagmartsa sa mga lansangan patungong Malakanyang at US Embassy. Ito ang First Quarter Storm (FQS), isang makasaysayang pagbangon ng iba’t ibang sektor ng lipunan na naghahangad ng radikal na pagbabagong panlipunan. Apatnapu’t limang taon ang nakalipas matapos pumutok ang FQS, nananatili itong makabuluhan at puno ng mga aral sa kasalukuyan para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba. Nagsimula ang FQS sa isang mapayapang demonstrasyon ng libu-libong mag-aaral, maralitang kabataan, manggagawa at magbubukid sa harap ng Kongreso kung saan nagtatalumpati si dating pangulong Ferdinand Marcos noong Enero 26, 1970. Dahas ang naging tugon ng rehimeng US-Marcos. Ngunit sa kabila ng panunupil ng estado, dumagsa sa Malakanyang noong Enero 30, 1970 ang libu-libong tao upang kondenahin ang mga pasistang patakaran, maka-Amerikano, at kontra-mamamayang programa ng gobyernong Marcos. Kumuha pa ng isang firetruck ang mga kabataang kasali sa protesta at ibinangga sa gate ng Malakanyang para buksan ito. Hindi dito natapos ang pagbuhos ng galit ng mamamayan. Nasundan ito ng malalaki at sunud-sunod na mga kilos-protesta hanggang Marso. Naglunsad din ng maraming mga pagkilos ang mga kabataan sa mga kabisera at mayor na lungsod ng iba’t ibang probinsya. Ang FQS ang rurok ng pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos mula pa nang itinatag ang KM noong 1964. Pinalaganap nito sa buong bansa ang pambansa demokratikong pagsusuri sa aping kalagayan ng sambayanang Pilipino at ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagbabago. Naiugat ang mga suliranin ng mamamayang Pilipino sa tatlong salot ng paghari ng imperyalismong Estados Unidos sa bansa, pyudal na pagsasamantala ng panginuong maylupa sa uring magsasaka, at ang burukrata kapitalistang paggamit ng gobyerno bilang negosyo. Mainit ang naging pagtanggap ng mamamayansa mga protesta. Sumigla ang kilusan ng paglubog ng mga kabataan at estudyante sa mga manggagawa at magbubukid sa mga piketlayn, pagawaan, maralitang komunidad at sa kanayunan. Ang mga kondisyon para sa makasaysayang daluyong na ito ay ipinundar ng isang dekada ng walang pagod na pagpakilos, pagorganisa, at pagpataas ng kamulatan kamalayan ng kabataan at mamamayan ng mga grupong pambansa-demokratiko. Nagluwal ang FQS ng libu-libong kadre’t masang aktibista na naging muog ng kilusang rebolusyonaryo na pinamunuan ng Partido Komunista Pilipinas sa pambansang saklaw, ang muog na namuno sa paglaban at kalauna’y pagpapatalsik sa pasistang diktadurang US-Marcos. Apat na dekada ang nakalipas, patuloy na lumulubha ang kalagayan ng sambayanang Pilipino dahil sa kawalan ng trabaho, lupa, edukasyon, karaptang sibil, at serbisyo sosyal. Nananatiling mala-kolonyal at mala-pyudal ang lipunang Pilipino. Tumtindi ang pagsasamantala at pang-aapi habang lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na kaayusang kontrolado ng dayuhang kapital, walang sariling industriya at atrasado ang ekonomya. Sa ganitong kalagayan, nagbibigay inspirasyon ang FQS upang labanan ang rehimeng US-Aquino at tuluyang gapiin ang bulok na sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal na pinagsisilbihan nito. Mabuhay ang mapangahas at mapanlabang diwa ng FQS ng 1970!


Filed under: Historia Tagged: Filipino Youth, First Quarter Storm, FQS, Kabataan, Kabataang Makabayan

Viewing all articles
Browse latest Browse all 38

Trending Articles