Ginugunita ngayon taon ang ika-116 anibersaryo ng pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano, isang marahas na gerang agresyon ng Estados Unidos upang sakupin ang Pilipinas. Ang Digmaang Pilipino-Amerikano ang simula ng isang-siglong paghahari ng kapangyarihang US sa ating bansa.
Tinataya ng mga historyador na umabot sa 1.5 milyong Pilipino ang namatay sa digmaang ito. Sa Luzon lamang ay umabot ng 600,000 ang patay na Pilipino, ayon sa konserbatibong pagtaya ng peryodikong The New York Times. Sa kabilang panig, 4,234 sundalong Amerikano nalipol sa labanan.
Ngunit wala na masyadong nakakaalam sa kasaysayang ito lalo na sa mga kabataan ng kasalukuyang henerasyon. Tila nabaon na lamang sa limot ang pagdurusa ng sambayanang Pilipino sa kamay ng mapang-abuso at mapanlinlang na imperyalistang US.
Sa harap ng patuloy na panghihimasok ng Estados Unidos sa ating bansa, mahalagang sariwain ang mga tunay na pangyayari sa Digmaang Pilipino-Amerikano at basagin ang ilusyon ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Matagal nang pinagtakpan ng mga Amerikano ang malagim na kasaysayan ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at kakambal nito ang magiting na paglaban ng mga makabayang Pilipino.
Sa halip ay pinapalaganap ang larawan ng mga Amerikano bilang tagapagligtas at nagbigay ng demokrasya at kalayaan sa mga Pilipino. Kahit pa man sa panahon ng direktang kolonyal na paghahari ng US ay pinapalaganap na ang kasinungalingang ito.
Gamit ang kolonyal na pampublikong edukasyon at dominanteng midya, ibinura ng mga kolonyalistang Amerikano ang kolektibong alaala ng mga Pilipino sa trahedyang ito.
Umpisa ng gerang agresyon ng US
Abot tanaw na sana ang tagumpay ng rebolusyong Pilipino laban sa kolonyal na paghahari ng mga Espanyol nang dumating ang bagong mananakop na mga Amerikano at inagaw ang tagumpay na ito.
Nagsimula ang gerang agresyon ng US sa Pilipinas ng sorpresang sinalakay ng mga tropang Amerikano ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa Sta. Mesa, Manila noong Pebrero 4, 1899.
Pero bago pa man nagsimula ang digmaang ito, natakda na ang mga kondisyon para sa direktang pagsalakay ng mga Amerikano. Isa na dito ang “mock battle” sa Maynila ng US at Espanya noong Agosto 1898.
Sumunod naman ang pagpirma ng Treaty of Paris na diumanoy nagbibigay ng kapuluang Pilipinas sa US sa halagang 20 milyon dolyares at ang pagdeklara ng “benevolent assimilation” ni US Pangulo McKinley noong Disyembre 1898.
Nagtagal ng ilang taon ang magiting na paglaban ng mamamayang Pilipino laban sa US. Umabot ng 126,000 tropang Amerikano ang ipinadala ng Estados Unidos upang makibahagi sa gerang agresyon sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila ng brutalidad ng mga sundalong Amerikano at superyor na mga sandata nito, hindi mabilis na nagapi ang malawak at magiting na paglaban ng mamamayang Pilipino laban sa gerang agresyon ng imperyalismong US.
Idineklarang tapos na ang digmaan ni US Pangulo Theodore Roosevelt nang madakip ang liderato ng Unang Republiko ng Pilipinas sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo noong Hulyo 4, 1902. Ngunit nagpatuloy ang pakikibaka ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa, at lalo na ng mga Moro sa Mindanao, hanggang sa taong 1916.
Mga pag-abuso ng mga tropang Amerikano
Ginamit ng mga pwersang US ang iilan sa mga pinakamarahas at di-makataong mga taktika na target hindi lamang ang mga mandigirmang Pilipino kundi mismo ang mga ordinaryong sibilyan.
Isa sa mga pinakatampok na paglabag ng mga sundalong Amerikano sa karapatang pantao ang tintawag na “hamletting,” ang pwersahang rekonsentrasyon ng mga sibilyan patungo sa mga kampo militar ng Amerikano.
Ang mga espasyo sa labas ng mga hamlet ay itinuring na “free-fire zone” kung saan sinumang makita ay maaaring barilin ng mga Amerikano. Isiniksik ang libu-libong mamamayan sa mga kampong ito upang matanggalan ng baseng suporta ang mga lumalabang Pilipino.
Notoryus ang mga Amerikano sa sistematikong paggamit ng iba’t ibang anyo ng pagtotortyur sa mga nabihag na Pilipino. Isa na dito ang tinatawag na “water cure”: ginagapos ang biktima at binubuhosan ng tubig ang kanyang bunganga habang may nakaupo na tao sa kanyang tiyan upang hindi siya malunod.
Nariyan din ang patakarang pagsunog ng mga baryo at bayang pinaghihinalaang nagbibigay ng suporta sa mga mandirigmang Pilipino. Laganap ang pagpapatupad ng mga Amerikano sa karumal-dumal na patakarang ito sa buong Kabisayaan, sa Batangas, Laguna, at Bikol sa Luzon, at ilang bahagi ng Mindanao.
Isa sa mga pinakatampok na ehemplo ng pagmasaker noong Digmaang Pilipino-Amerikano ang pag-utos ni US Heneral Jacob Smith na “huwag hayaang may lumilipad pang kahit isang ibon sa kalawakan” at “patayin ang lahat ng batang may edad sampu pataas” sa isla ng Samar.
Ginawa ito bilang pagganti sa tagumpay ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga sundalong Amerikano na nakahimpil sa bayan ng Balangiga, Samar kung saan 48 sa 74 kataong tropa ang kanilang nalipol.
Nariyan din ang pagsunog ng malawak na bahagi ng isla ng Panay na nailathala sa pahayagang Boston Herald noong Agosto 25, 1902:
“Nagmartsa ang 13th Regulars mula sa Iloilo sa timog patungong Capiz sa Hilaga ng Panay, sa atas na sunugin ang lahat ng bayan na lumalaban. Nagresulta ito ng paghawan ng lugar na may lawak na 60 milya mula sa isang dulo tungo sa ikalawang dulo.”
Dagdag pa sa listahan ng mga krimen ng mga Amerikano ang pananakop nito sa mga Moro sa Mindanao: ang pagmasaker ng 900 Tausog, kabilang ang mga babae at bata, sa tatlong-araw na pagsalakay sa Bud Dajo, Jolo noong Marso 5-7, 1906.
Nariyan din ang masaker sa Bud Bagsok, Jolo noong Hulyo 11, 1913 kung saan umabot sa 2,000 Moro ang namatay kasama ang 196 kababaihan at 340 bata.
Patuloy na dominasyon ng US
Ang pagsakripisyo ng buhay sa madugong operasyon sa Mamasapano, ang paggamit ng mga tropang SAF bilang pambala lamang para sa “War on Terror” ng US, ay isa lamang sa pinakamalinaw na tanda ng patuloy na panghihimasok ng US .
Nagpapakita rin ito ng larawan ng rehimeng Aquino bilang isa sa mga pinakamasugid na tuta ng Estados Unidos. Buhay na buhay ang ang dominasyon ng Estados Unidos sa aspetong politika, ekonomya, kultura, militar, at relasyong panlabas ng Pilipinas.
Malaking hamon ang pagmulat ng mga kabataan at mamamayang Pilipino sa tunay na kasaysayan ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Mahalaga itong kontribusyon sa pakikibaka para sa tunay na kalayaan at soberanya sa ating bansa.
Filed under: Historia Tagged: Fil-Am War, Philippine History, Philippine-American War, US Imperialism
