Quantcast
Channel: Historia – Bombard the Headquarters!
Viewing all articles
Browse latest Browse all 38

Ang mahabang kasaysayan ng paglaban ng mamamayang Bangsamoro

$
0
0

bangsamoro

Note: I wrote this article for The Philippine Online Chronicles.

Mahigit 40,000 katao ang nag-bakwit sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na opensibang militar laban sa rebeldeng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao na sinimulan ng gobyernong Aquino noong huling linggo ng Pebrero. Lagpas sa isandaang libong sibilyan na ang apektado sa opensibang ng gobyerno laban sa BIFF. Maraming bahay at sakahan ang nasira sa walang pagtatanging pagbobomba ng mga sibilyang komunidad.

Ngunit kung tutuusin, isa lamang “cover-up” ang opensibang ito na may layong ilihis ang atensyon ng publiko palayo sa kriminal na pananagutan ng gubyernong Aquino at ng Estados Unidos sa madugong operasyon sa Mamasapano. Sinasamantala ng mga tagapagtanggol ni Aquino ang malaking pinsalang idinulot ng mga mandirigmang Moro laban sa Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) sa Mamasapano upang ibaling ang galit sa kapalpakan ni Aquino tungo sa mamamayang Moro.

Ang panibagong opensiba sa Maguindanao ay bahagi rin ng “War on Terror” ng US kung saan binabasagang mga terrorista ang mga Morong lumalaban sa mapanupil na estado. Ginagamit nila ang multo ng terrorismo upang ipangatwiran ang walang katapusang digmaan.

Ngunit ang panibagong opensiba ay lalo lamang hihimok sa mga mamamayang Moro na lumaban upang isulong ang kanilang karapatan para sa tunay na kalayaan.

Paglaban sa kolonyalismong Espanyol at US

Hindi na bago para sa mamamayang Moro ang lumaban upang ipagtanggol ang kalayaan ng kanilang lupang tinubuan, ang Bangsamoro. Sumasaklaw ang pakikibaka nila ng apat na siglo mula pa sa pagsakop ng Espanya sa Pilipinas noong ika-16 siglo hanggang sa kasalukuyan.

Bago pa man dumating ang mga kolonyalistang Espanyol ay umiral na ang mga Sultanatong Moro sa hangganan ng Mindanao, Sulu, at Palawan. Ang Sultanato ng Sulu, Maguindanao, at Buayan ang kumakatawan sa pinakamaunlad na sistemang panlipunan sa kapuluan sa panahong ito. Dahil dito, hindi nagawang sakupin ang mga Moro ng mga Espanyol sa kabila ng sunud-sunod na pag-atake ng mga kolonyalista.

Mabangis din ang paglaban ng mga Moro sa mga kampanyang militar na inilunsad ng imperyalistang Amerikano sa mga taong 1901 hanggang 1916. Kung kaya’t kinailangan ang mas malakas na pwersa ng US na gumamit ng marahas at di-makataong taktika upang masakop ang mga mamamayang Moro sa Mindanao. Dagdag pa rito ang pagsuhol sa kanilang mga lider at pagsira ng kanilang tradisyunal na mga institusyon.

Inimbento ng mga Amerikano noong 1911 ang pistolang kalibre .45 dahil sa kanilang pangangailangan ng mas malakas na armas na panagupa sa mga Moro. Tinatalian kasi ng mga mandirigmang Moro ang kanilang katawan upang pigilin ang pagdurugo kapag tinatamaan ng bala ng kaaway kaya hindi sila napababagsak ng mas mababang kalibreng armas na gamit ng mga tropang Amerikano noon.

Ang pagmasaker ng 900 Tausog, kabilang ang mga babae at bata, sa Bud Dajo, Jolo noong Marso 5-7, 1906 at ang masaker sa Bud Bagsok, Jolo noong Hulyo, 1913 kung saan 2,000 Moro ang namatay kasama ang 196 kababaihan at 340 bata ay dalawa lamang sa mga pinakamalupit na krimen ng US laban sa mga Moro at Pilipino.

Bangsamoro sa ilalim ng Republika ng Pilipinas

Mula sa isang tuwirang kolonya ng Estados Unidos, ginawang malakolonya ng US ang Pilipinas noong 1946. Sa kabila ng balat-kayong kalayaan ay nagpatuloy ang di-tuwirang kontrol ng US sa ekonomya, pulitika, at kultura ng bansa. Ang dikta ng US ang siyang nagtitiyak sa mga patakaran ng gobyerno. Sa gayon, ang mga suliranin ng Bangsamoro ay mauugat sa pagnanasa ng US na maangkin ang yamang mineral at lakas-paggawa ng Mindanao.

Hindi natapos ang panunupil at pambubusabos sa mga mamamayang Moro sa pagkatatag ng Republika ng Pilipinas. Sa pagtaguyod ng interes ng US, hinayaan ng gobyernong agawin ng mga dayuhang korporasyon, malakihang minahan, at plantasyon ang mga lupaing ninuno ng mga Moro. Itinulak din nito ang pagtaboy ng mga komunidad ng mga Moro para sa mga magsasakang galing sa Luzon at Visayas na inilisan ng gobyerno papuntang Mindanao.

Patuloy ang pagbibiktima sa mamamayang Moro sa sistematikong diskriminasyon at pang-aapi, malaganap na pang-aabuso, at pagmasaker sa kamay ng mga pwersa ng estado. Isa na dito ang Jabidah Massacre kung saan 64 kabataang Moro ang pinadala ni Marcos noong 1969 sa isang ambisyosong misyon sa Sabah, Malaysia, ang tinaguriang Oplan Merdeka, na nauwi sa kanilang karumaldumal na pagpatay.

Ang lahat ng ito ay nagtulak sa paglunsad ng armadong pakikibaka sa pangunguna ng Moro National Liberation Front (MNLF) simula noong 1970s, ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) simula noong 1980s, at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nitong nakaraang iilang taon.

Patay-sindi ang mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng Moro mula sa kasunduan sa MNLF na pinatibay noong dekada nobenta hanggang sa kasalukuyang pagsisikap ng MILF para sa isang Bangsamoro Basic Law. Palagi itong inaabutan nang panibagong opensiba ng gobyerno katulad ng mabangis na “All Out War” ni Estrada laban sa mga kampo ng MILF noong taong 2000. Layon lang kasi ng gobyerno na pasukuin ang mga Moro. Hindi tunay na nais ng gubyerno na ibigay ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at lalong hindi masosolusyunan sa kasalukuyang sistema ang ugat ng kahirapan at kawalang kaunlaran sa Mindanao.

Sa dakong huli, makakamit lamang ang tunay na kapayapaan at kasarinlan ng Bangsamoro sa pagwasak ng kaayusang malakolonyal na siyang ugat ng pang-aapi at pagsasamantala ng mamamayang Moro. Nagpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayang Moro para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at para sa tunay na kapayapaan at pambansang kalayaan.


Filed under: Historia Tagged: Bangsamoro, Moro, National Minority, Self-Determination, US Imperialism

Viewing all articles
Browse latest Browse all 38

Trending Articles